Liham para sa PhilHealth, Mula sa OFW ng Palau

Dear PhilHealth,

Ako po ay isang OFW dito sa Palau, hindi pa po siguro kilala ng karamihan ang Palau dahil Island lamang ito. Isang maliit na island na katabi ng bansang Pinas. Nitong darating na Nobyembre ang pang siyam na taon ko bilang manggagawa.

Sa bawat dalawang taon o pagtatapos ng aking kontrata lamang ako nakakapagbakasyon sa Pinas, binibigyan kami ng aming kumpanya ng libreng tiket at isang buwan na bakasyon upang kahit papaano’y makasama namin ang mga naiwan namin sa Pinas. Bago matapos ang aking bakasyon, tulad ng karamihang OFW, inaasikaso ko rin po ang mga kailangang asikasuhin para payagan akong makalabas muli ng bansa, isa na rito ang pagbabayad sa inyong ahensya ng 900 pesos para sa isang taong seguridad sa kalusugan ng aking pamilya.

Mula 2003, nuong nagsimula akong magtrabaho dito sa Bansang Palau, tatlong beses na akong nakapagbakasyon sa Pinas, tatlong beses na rin po akong nagbabayad sa Philhealth. Napakalakeng pasasalamat ko po sa Maykapal na sa loob ng mahigit walong taon ay hindi Nya pinahintulutan na magkasakit isa man sa mga mahal ko sa buhay, samakatuwid po, ni minsan ay hindi ko nagamit ang kahit anong benepisyong ibinibigay ng Philhealth. Wala namang pong problema kung di ko magamit ang mga benepisyo sa ibinabayad ko. 900 pesos para sa kasiguruhan ng kalusugan ng aking pamilya ay balewala at patuloy akong magbabayad nito hanggat kinakailangan.

Ngunit may mga katanungan lang po na gumugulo sa aking isipan na sana’y masagot bago pa man dumating ang panahon na doblehin nyo na ang babayaran ng bawat OFW sa Philhealth.

Una, Bilang isang OFW sa Palau, pinapayagan po kaming makapagbakasyon taon-taon kung sasagutin namin ang aming pamasahe, pero upang makalibre ng pamasahe tinatapos po namin ang dalawang taong kontrata namin sa kumpanyang pinapasukan namin. Sa bawat bakasyon nagbabayad ako ng 900 pesos sa Philhealth, ito raw po ay para sa isang taong kasiguruhan sa kalusugan ng aking pamilya. Ang tanong ko po, paano kung natapos na ang isang taon kong binayaran, at wag naman sanang mangyari na kailanganin ko ang benepisyong dapat kong makuha sa Philhealth sa taong hindi na sakop ng aking binayaran, may makukuha pa ba akong benepisyo mula sa inyo?

Pangalawa, sa tatlong beses kong pagbakasyon sa Pinas at tatlong beses na pagbayad ng Php900 sa Philhealth na hindi ko naman nagamit, saan po napupunta ang ibinayad ko? Saan nyo po gagamitin ang ibinayad ko at ng libo-libong OFW na nagbayad at hindi naman nagamit ang kanilang ibinayad?

Pangatlo, lahat po ng OFW dito sa Palau ay kinakailangang magbayad ng 2.5 porsyento ng kanilang sweldo kada buwan para sa Health Insurance. Para po itong Philhealth sa Pinas. Nagagamit po namin itong ibinabayad namin tuwing kailangan na naming magrenew ng kontrata at magpamedical exam. Nagagamit din po namin ito sa pagbili ng gamot at kung may bayarin sa hospital dulot ng pagkakasakit. At kung magdesisyon kaming magretiro na at umuwi na ng Pinas, makukuha po namin ang perang ibinayad namin sa Health Insurance kung sakali mang mayroon kaming hindi nagamit. Bilang OFW dito sa Palau, ano pa pong magagawa ng Philhealth sa aming mga OFW kung sa tuwing kakailanganin namin ng serbisyo nyo ay sinasagot naman ng kumpanyang pinapasukan namin o nang Health Insurance dito sa Palau?

Pang-apat, ?sa loob ng mahigit walong taon ko dito sa ibang bansa hindi ko pa po naramdaman ang benepisyo o serbisyo ng Philhealth. Ipinagpapasalamat ko po yun sa Maykapal na walang nagkakasakit sa aking pamilya. ?Kung dodoblehin nyo ang bayarin namin sa susunod na taon, ano po ang kasiguruhan na mararamdaman namin ang maganda nyong serbisyo?

Kung sana po sa bawat pagbakasyon ng isang OFW ay may libre kaming Vitamins na makukuha sa inyo, o kaya nama’y libreng check up at gamot upang maiwasan ang pagkakasakit namin pagbalik sa ibang bansa, mas maganda. Simpleng serbisyo mula sa puso ng Philhealth, tiyak ramdam yan ng bawat OFW. Kaso po wala.

Panglima, may kunsultasyon po bang nangyayari sa pagitan ng PhilHealth at mga OFW sa tuwing magtataas kayo ng bayarin? Kami po kasi ang apektado ng ginagawa nyong pagtataas ng bayarin, sana man lang po ay dinggin muna ang aming hinaing bago pa magtaas ng bayarin.

Marami pa pong tanong na gumugulo sa aking isipan, at tiyak ko ganun din ang milyong OFW na maapektuhan ng pagtataas nyo ng bayarin ng bawat OFW umaalis ng bansa. Ngunit minabuti ko na pong wag nang isa-isahin dahil sa tutuo lang alam kong kailangan namin ang serbisyo at benepisyong maibibigay ng Philhealth sa aming mga OFW, hindi man ngayon pero hindi rin natin masabi kung kailan ito darating.

Ay! last na po 🙂 … Alam nyo rin po bang iba’t-iba ang sweldo ng bawat OFW? Iba’t-iba ang sitwasyon ng bawat OFW? At alam nyo rin po ba na hindi lahat ng OFW ay kayang-kaya bayaran ang pagtataas na gagawin nyo sa susunod na taon?

Ayun lang po, sana po’y hindi masamain ang mga katanungan, at nawa’y mapaintindi nyo sa milyon-milyong OFW ang gagawin nyong pagtataas ng bayarin.

Maraming Salamat po,

CM

ADVERTISEMENTS

Comments

  1. says

    Marami din akong katanungan tungkol sa mga ahensiya ng ating gobyerno tulad ng OWWA.

    Ito siguro ang tama kung lahat tayo ay magtatanong sa ganitong paraan baka may tamang kasagutan silang maibigay

  2. says

    Hi CM,
    Alam mo i had no idea kong pareho ba yung OFW at yung mga tao na nasa pinas lang ng benepisyo na nakukuha natin. PEro base sa pag kaka-alam ko..(mga 1-2 year ago yung last ko na update sa PHIC kasi ginamit ko ito nung manganak ako)..i been religiously paying PHIC for 7years straight. Ang pagkakalam ko if putol-putol ang bayad mo sa PHIC like halimbawa my last payment was 2010 tapos na-ospital ako ngayon..alam mo ba na hindi mo na ito magagamit?..dapat actively paying ka for last 6months. At alam mo ba…kahit na 500.00 a month ang binabarayan ko same benefit lang makukuha ko sa mga nagbabayad ng 50.00 amonth..yes, unfair right? at iba iba din ang categorya ng babayarin depende kong saan kang ospital na admit?..
    ..about naman sa katandaan..if your reach 60 at actively paying member ka they will give you card na retiree ka..pero ganun parin ata…they will just pay a portion of your hospital bills…

    sa pagkakatanda ko..when I give birth (normal) my total bill is around 20-25k ata…yung binayaran kosa ospital is mga 15k..okey na rin..pero mas okey sana kong wala na lang akong binayaran di ba..i was 5years active member then…paying 200.00 a month..pero okey na rin yun..magreklamo pa ba ako..

  3. says

    hmm ako lang ba nakakaamoy ng something fishy? o negative lang ako magisip masyado. look at the bright side na lang. at magpasalamat sa good health…

Trackbacks

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *