Pensyon sa Ilalim ng Dagat

Mag-iisang taon ako nuon dito sa Palau nang sinabi ni Misis na may napanuod sya sa Discovery Channel tungkol dito sa Palau. May island na raw na nakalubog sa dagat at ang ibang island ay unti-unti na ring lumulubog sa paglipas ng panahon. Sa loob ng 20 taon malamang daw wala na ang Palau sa mundo.

Ang nasa isip ko nung mga panahong iyon ay “tutal hindi naman ako magtatagal dito, 2 years, 4 years, ay okey na. Uwian na!, pero hindi nangyari…

Lumipas na nga ang panahon, pitong taon ang lumipas, plus isang taon na ako dito nung kinuwento sa akin ni Misis ung napanuod nya, MAG COMPUTE KA!!! Eto at narito pa rin ako sa isla ng Palau, at pumirma pa ng panibagong dalawang taon na kontrata.

Kanina pagkatapos maglunch break may nakisabay na isang empleyado sa minamaneho kong sasakyan. Napag-usapan namin ang tungkol sa SS(Social Security) o katumbas ng SSS sa atin sa Pinas. Sabi nya, magpursige daw akong makasampung taon dito sa Palau ng sa gayon sigurado na akong may matatanggap na pensyon mula sa Gobyerno ng Palau.

Ako naman tuwang-tuwa syempre, kasi tatapusin ko lang kontrata ko hanggang 2013 eh magbubuhay hari na ako. Magreresign ako sa trabaho ko dito sa Palau, at uuwi na ako ng Pilipinas kong Mahal. Makakasama ko na ng habambuhay ang pamilya ko, kakain na kami ng sabay-sabay sa iisang hapag kainan, magmo-malling kami tuwing weekends at kakain sa Jollibee, tapos beach isang beses sa isang buwan. Syempre ako na rin maghahatid-sundo sa kanila sa school. Mararanasan ko na naman ung habang kasabay kong naglalakad ang aking Anak ay masasalubong namin ung classmate nya at tatanungin ung anak ko, “Kuya mo?”…O diba? Sarap sa pakiramdam…Pagkatapos sa gabi tabi-tabi kaming manunuod ng mga teleserye, hanggang sa makatulog na rin ng magkakatabi. At tuwing anim na buwan ay pupunta kami ng Palau para kunin ang pensyon ko.

Sarap no?…

Pero hindi, nakalimutan kong may pasahero pala ako na nagkukwento tungkol sa SS Pension. Nabitin tuloy ang imahinasyon ko.

Nagkaruon ako ng pagkakataong magtanong sa kausap ko na naging dahilan kung bakit ko pinagsisihan na nakasingit pa ako sa pagkukwento nya. At ito ang naitanong ko “Kung nakasampung taon na ako, kailan naman magsisimula ang pensyon ko?”, sagot nya, “Kapag 60 year old ka na, pwede ka mo na iapply dito yun, at dun na magsisimula ang pensyon mo”

O diba? maghihintay pa rin ako na umabot ako ng 60 year old bago ako magka-pensyon dito sa Palau.

Ano naman kinalaman ng kwento ni Misis sa taas sa kwento ng nakisakay sa minamaneho kong sasakyan? hello?! Isang taon pa lang ako dito sa Palau nung sinabi ni misis na 20 years na lang ang itatagal ng Palau ayon sa Discovery Channel, eh nakawalong taon na ako ngayon dito! Ibig sabihin 12 years na lang at lubog na ang Palau. At kailan ako magsi-60?! Sabihin na nating 35 years old ako ngayon.

Hays, May babalikan pa kaya akong Palau kung sakali mang umabot ako ng 60 year old?

 

ADVERTISEMENTS

Comments

  1. says

    Na-gets ko na ang title. He he he. Huwag ka mag-alala boss. Hindi naman papayag ang Palau na tuluyan silang mabura sa mapa. Sigurado ‘yan na gagawa sila ng mga dike at dam na parang sa Netherlands para hindi sila lamunin ng dagat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *