Para Sa Iyo, Kaibigan

Para sayo,

Tatlong taon na pagkakaibigan, ni hindi kita nakita ng personal o kahit man lang nakausap sa telepono, madalas online lang kung mag-usap tayo, asaran, kulitan, minsan pa nga iyakan kapag may mga problemang pinag-uusapan. Bestfriend na nga ang turing ko sayo.

Nung unang nagkaproblema ka gustong-gusto kong tumulong financially, pero may pamilya ako at masyadong maraming gastusin. Pero alam mo, hindi ako tumigil ng kakaisip ng paraan para kahit simpleng paraan makatulong ako sayo. Naalala mo ba yung Prayer Brigade ng mga Pinoy Bloggers para sayo? Ginawan ko pa ng image yun kahit di ako magaling sa graphics, ikinalat ko sa mga blogger, kasi alam ko, sa simpleng dasal na yun ay malakeng tulong na para sa mga may problema, lalo’t marami ang gagawa nito para sayo.

Alam ko nakatulong kahit kaunti ung Prayer Brigade na yun sa problema mo, gumaan kahit sandali ang dinadala mo. Pero alam mo bang pinag-awayan namin ni misis yun? Oo, buti pa raw ikaw ginagawan ko ng ganun. Ang nasa isip ko lang nun alam naman ng Diyos kung gaano ko kamahal ang pamilya ko at yung ginawa ko para sayo ay tulong lang sa itinuring kong kaibigan na gagawin ko rin sa iba pang mas nangangailangan kung sakali.

Naalala mo rin ba ung mga debate natin sa forum, kadalasan tungkol sa pagmamahal, pag-ibig, o basta usapang puso. Kasi naman, may panahon talagang magkaiba tayo ng paniniwala pagdating sa ganitong bagay, pero bandang huli nauuwi rin lang sa asaran, kulitan, pero kadalasan nagkakasundo tayo sa iisang opinyon na tulad ng tutuong magkaibigan hindi matatapos ang araw nila na hindi gagawin ang shakehands na simbolo ng friendship nila.

Ang dami ko pang gustong alalahanin sa tatlong taon na pagkakaibigan natin, pero hindi ko na siguro kailangang isa-isahin, baka umabot ng 100 pages to, maboring pa yung magbabasa lol

Ang gusto ko lang naman sabihin eh siguro sa tatlong taon na pagkakaibigan natin may mga pagkukulang ako bilang kaibigan sayo pero alam mo ba binigay ko ung buong tiwala ko sayo…dumating na nga sa puntong ikaw ang ginawa kong organizer, volunteer at taga-tanggap ng mga tulong mula sa mga kaibigan upang kahit papaano makatulong tayo sa mga mas nangangailangan.

Pero wala akong pinagsisisihan dun, nakita naman ung resulta eh, maraming ngumiting bata dahil sa yo. At dahil sa proyektong yun, malamang taon-taon ko nang gagawin ‘to hanggat may mga taong handang tumulong sa mga mas nangangailangan.

Yun nga lang, wala ka na.

At ako? Eto, iniwan mong sumasagot sa lahat ng tanong nila, Nagpapaliwanag sa kung bakit ka nagkaganun, pilit itinatayo ang pundasyon na muntik mo nang sinira, pilit na ipinaglalaban na huwag mawala ang tiwala ng iba sa akin na kung tutuusin ikaw ang may sala.

Ang dami naman kasi nila, friend…may Blogger, Forumer, OFW, tapos pati ung mga pinakilala ko sayo. Nakakasawa ring magpaliwanag sa kanila, pero kailangan kong gawin para mawala ung duda nila sa akin, para ung pundasyon na minsan kong iningatan ay hindi masira.

Tama na siguro to, friend. Masyado nang mahaba, gusto ko lang iparating sayo ang pinagdaraanan ko sa mga pinaggagawa mo.

Na-click ko na rin pala ung UnFriend sa FB, madali lang pala…at sana ganun din kadaling i-click ung tatlong taon na pagkakaibigan natin.

Ang iyong dating Kaibigan,

CM

ADVERTISEMENTS

Comments

  1. says

    awww.. nalungkot naman ako sa nangyari sa inyo ng friend mo..

    ang pinakamasakit sa lahat ay yung makipagkaibigan ka sa isang tao at ibigay ang buong tiwala mo (maging ang pagmamahal), at sa bandang huli mo na lang malalaman na niloko ka na pala ng taong tinuring mong matalik na kaibigan..

    napadaan lang.

  2. says

    uuummmm parang nararamdaman ko kung sino yan…..naaawa ako sa kanya sa totoo lang..di man ganun katagal ang pagiging magkaibigan namin pero naantig ang puso ko sa kanya….di ko tinatanggi tumulong din ako sa kanya at di ako nag eexpect na maibabalik nya..medyo konti nadisappoint ako kasi madami pala..pero still nitry kong unawain..dapat lang sana di sya nawalang bigla…

    God bless sa kanya..sana maayos nya ang problema at pinagdadaanan nya..

  3. animus says

    kakalungkot naman ito LordCM….sana magkaayos pa rin kayo ng iyong kaibigan…sana isa lang itong ‘tampuhan’…sana mas manaig pa rin ang inyong pagkakaibigan bandang huli…hangad ko ang kapayapaan ng inyong loob. (parang 100 days to heaven lng)
    hehe…
    LordCM!!!!!!!wag ka na malungkot!!!alam mo bang ang kalungkutan ay mabilis maka-homesick? cge ka, ikaw din mahihirapan ka…hehe..(just trying to make you laugh).

  4. says

    sayang na sayang ang tatlong taon’g pinagsamahan matapos ito’ng masira sa isang pitik lamang. nauunawaan ko to. gaya ng aking sinabi, hindi ko sinasara angpintuan ko pero mahihirapan na siyang makapasok dito. dalangin ko na lang na sana muli siyang makabangon sa mga pinaggagagawa niya.

  5. says

    Isa kang mabuting kaibigan, kayong lahat na naging kaibigan niya…sana maging maayos na siya.

    Oo nga pala, pwedi bang pumalit sa kanya? :)

  6. says

    Hmmm, parang kilala ko to ah. Anyway, ipagpasaDios mo nalang yung nangyare. Gaya nga ng laging bilin saken ng mommy ko, since ikaw yung may mas malawak na understanding, unawaan mo nalang. :)

  7. says

    ouch naman…..sayang naman ung three years….

    well…. ganun talaga…. nangyari na rin sakin yan…at lam ko kung ganu kasakit….

    dadating din ung time na mapatawad moh siya…. hindi na rin basta basta maibabalik pa….kahit mag sorry sya sau…the damage has been done… ang pinaka the best nalang na gawin ay mag moved on…

    ingats….

  8. says

    Cm, tuloy mo lang.. ikaw na nga nagsabi sakin na **bulong ko sayo.. haha…

    maayos mo din yang gusot… SMILE gaya ng isang minutong smile :)

  9. says

    Sana lamang ay may katotohanan ang pangunahing dahilan nya kung bakit nya nagawa ang mga ganyang bagay. Gaya mo, naging napakalapit din sa akin ng friend mo at ang tiwalang ibinigay ko sa kanya ay hindi mtatawaran. marami man ang taong naapektuhan dahil sa nagawa nya, sanay mapatawad natin sya sa paglipas ng panahon. mahirap kalimutan ang kahapon, pero kung iisipin mo ang bukas, bigla nalang mawawala ang lahat ng naging bakas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *