ADVERTISEMENTS
Naalala ko lang, bata pa ako nuon nung nakikipaglaro kami ng kuya ko…Kung sino kalaro ko, kalaro din ng kuya ko, di naman kasi kami nagkakalayo ng edad. Eh nung minsan napaaway kuya ko, malake ung kaaway nya kaya di na ako tumulong baka kasi pati ako mabugbog, ayun pag uwi ng bahay may kaunting pasa…

“Ano nangyari sa kuya mo?”, si mamang galit

“Nakipag away sa kalaro namin”

“Di mo man lang tinulungan?”

Di na ako sumagot, di ko naman talaga natulungan kuya ko, naunahan ako ng kaba eh. Ok lang naman sa kuya ko yun, patuloy pa rin kaming nakikipaglaro sa mga barkada namin, kalimitan football ang laro namin, dumadayo pa nga kami sa kabilang kanto para lang maghamon ng football…

Naalala ko lang, sabay pa kami ni Kuya nagpatuli nuon. Grade 6 sya ako naman grade 2. Hindi kami pwedeng lumabas nun dahil nga nagpapagaling, baka kasi mamaya mangamatis o maimpeksyon pa, mawala pa si pututoy!, Laro lang kami ng Atari sa bahay nun, RiverRaid pa nga ung nilalaro namin saka Enduro…

Nung gumaling na ung tuli namin, sobrang excited makalabas nanghiram pa kami ng bike. Si kuya ang driver, ako sa likod nakaangkas. Excited nga eh, ambilis namin, todo pedal si Kuya, pagdating sa kanto sabay liko. Merong nakaparadang pulang kotse, hindi na kayang magpreno ni kuya kaya ang ginawa na lang namin sabay na sumigaw, Ayun!talsik kami sa harapang salamin ng sasakyan, buti na lang konti lang gasgas nung sasakyan.

Kaso ung bike, sira. Nabangga na nga kami, gastos pa. Eh nalaman ni dadang, paktay! si Kuya ang pinagalitan, pinadapa at pinalo ng sinturon, ako? nakikinig lang ng iyak ni kuya, medyo nangingilid ang luha at kinakabahan. Pero ok lang kay kuya yun, laro pa rin kami…

Naalala ko lang, kolehiyo sa Baguio. Di ko na kasama kuya ko nung nagkolehiyo ako, pero nung sumunod na sem, gulat na lang ako at sumunod kuya ko para daw mag aral din sa Baguio. Malamig sa Baguio kaya madalas ang inom namin, pampainit lang at pampatulog.

Nung minsan sumabay ng inuman si Kuya sa amin, sindi akong yosi. Gulat sya at nagyoyosi ako kaya kahit di marunong kuha din syang yosi nya sabay sindi. Ubo!Ubo! Hehehe di nga kasi marunong, naiinggit lang at gusto makipagsabayan…

Ang dami ko pang naaalala sa pinagsamahan namin ng kuya ko, kahit di kami ganun ka-close, alam ko di ako iiwan nun kung sakali mang magkaproblema ako.

Kaso sadya yatang ganun ang buhay, ang bata nya pa para kunin ng nasa taas…Ilang taon na rin ang nakalipas mula nung mawala si kuya at kunin ni Bro. Pero hanggang ngayon di ko pa rin malimutan ang mga kalokohan at pinagsamahan namin nung buhay pa sya.

Kaarawan ni kuya ngayon, sayang nga lang at wala na sya.

Minsan iniisip ko, kung di kaya pumanaw si Kuya may magbabago kaya sa buhay na meron ako ngayon?

Maligayang kaarawan sayo, Kuya…Ikaw pa rin ang nag iisang kuya ko…

ADVERTISEMENTS
Search Terms : mga babasahing pampainit,mga kwentong pampainit