Halo-Halong OFW

Unang kwento

Ilang taon na rin akong nagtatrabaho sa Palau nuong nabalitaan ko ang isang pangyayari tungkol sa kababayan natin na andito rin sa Palau isang araw pagkatapos ng lahat ng pangyayari. Hindi ko alam ang pangalan o edad o kung ano hitsura ng Pinoy na yun pero hanggang ngayon malinaw pa rin sa aking isipan ang mga pangyayari dahil na rin sa kwento ng ibang tao nakapaligid sa kanya…

Isa syang trabahador sa isang Construction Company na katabi ng barracks namin, dungaw ka lang sa bintana ng kwarto ay tanaw mo na ang katabing kumpanya…Base sa kwento ng mga katrabaho nya, isang linggo na lang at pauwi na sya sa Pinas, hindi lang bakasyon kundi pang habambuhay na nyang makakasama ang kanyang pamilya…Ngunit habang papalapit ang araw ng kanyang pag uwi, kapansin-pansin daw ang lungkot at bigat ng kanyang nararamdaman dahil na rin sa kakaibang ikinikilos nito at madalas na nag iisa…

Byernes ng gabi ang huling araw na nakita sya ng mga kasama nya, at dahil na rin sa pag aalala sinubukan nilang hanapin ito…Ngunit nabigla ang lahat ng makita nilang nakabitin ito sa isang bakal at may nakataling lubid sa leeg, walang hininga at bakas sa mukha ang paghihirap.

Myerkules ang byahe nya papuntang Pinas upang makasama ang pamilya, at dahil sa pangyayari isang malamig na bangkay ang iniuwi sa Pinas…

Pangalawang kwento

Kamakailan lamang isa ring kwento tungkol sa kababayan ang usap-usapan sa buong Palau. Isang Pinay at Pinoy na magkasama sa trabaho ang pauwi sa Pinas, at tulad ng naunang kwento, uuwi sila ng Pinas para makasama na ang kanilang pamilya.

Magkasama lamang sila sa trabaho, at dahil na rin siguro sa tiwala nagpasama ang babae sa lalake upang i-withdraw ang perang naipon at tuloy ipadala na ito sa Pinas para hindi na bitbitin sa araw ng uwi nya. Ngunit isang pangyayari ang hindi inaasahan, bago pa man dumating sa remittance center ang dalawang kababayan natin, pinalo ng lalake ang babae sa ulo at kinuha ang perang sana’y ipapadala sa Pinas kasunod nito ang pagtakas ng lalake sa pag aakalang patay na ang kasamahan nyang babae.

Hapon nuong nangyari ito kaya may nakakita sa babaeng walang malay at sinubukang dalhin sa hospital upang masagip ang buhay nito. Nabuhay ang Pinay at naikwento nito sa mga awtoridad ang buong pangyayari kasunod nito ang paghahanap sa Pinoy na pumalo sa kanya at ninakawan ng pera.

Ilang araw din ang lumipas sa paghahanap ng mga pulis sa nasabing Pinoy, gaya ng naunang kwento, natagpuan ang lalake na lumulutang sa tabing dagat, bago pa man mangyari ito, usap-usapan din na napatawad na ng babae ang ginawa nito sa kanya at isang kaibigan ang magsasabi sana sa lalake ngunit hindi na sya naabutan sa lugar kung saan sana sila magtatagpo…

Tuloy ang uwi ng kababayan nating babae na bitbit ang pananabik na mayakap ang kanyang pamilya, ngunit ang kasamahan nitong Pinoy ay uuwi na isa nang malamig na bangkay…

Panghuling kwento

Eto lang nakaraang linggo, isang kasamahan sa trabaho ang inatake ng HighBlood. Cook sya sa isang restaurant ng company na pinapasukan namin, 57 years old, 3 taon na lang at pwede na syang huminto sa pagtatrabaho at maghintay na lamang ng buwanang sustento mula sa Gobyerno ng Palau…

Mild Stroke lang naman ang nangyari nuong linggo, naging maayos din sya makalipas ang ilang oras sa hospital, ngunit nangyari muli ang di inaasahan. At ngayon nga ay nasa hospital pa rin sya, nagpapagaling at ilang araw din nyang hindi maigalaw ang kalahati ng kanyang katawan…

Usap-usapang pauuwiin sya ng Pinas kapag naging mabuti ang kanyang kalagayan, ngunit walang kasiguruhan kung maaari pa syang bumalik, magtrabaho at tapusin ang tatlong taong pagtatrabaho dito upang magkaruon naman ng kabuluhan ang ilang taong paghihirap…

Sa mahigit anim na taong pagtatrabaho ko dito, marami na rin akong kwento tungkol sa aking sarili, mga pangyayaring hindi ko inaasahan ngunit masaya at kung minsan ay kalungkutan ang dala…Ngunit di ko na ikukwento dito yung mga yun…Magpapasalamat na lang ako at patuloy pa rin akong nakakapagtrabaho para sa mga mahal ko sa buhay sa kabila ng hirap at problemang nararanasan…

Bakit nga ba sa dinami-dami ng araw na pwede kong i-publish ang mga kwentong ito ay araw pa ng Pasko ang naisip ko…Bakit nga ba hindi? Kung tutuusin napaka swerte natin, tayong mga walang sakit, tayong patuloy na nabubuhay na inabot pa natin ang araw ng pasko, pero eto’t may mga taong imbes na magpasalamat ay patuloy na nagrereklamo, isinisisi sa iba ang hirap na nadaranasan na kung titingnan ay sya rin ang may gawa…

Subukan nating ikumpara ang sarili natin sa mga karakter sa kwentong nasa taas…tiyak mas marami ka pang bagay na ipagpapasalamat kay Bro kaysa ireklamo ang paghihirap at problemang dinadala…

Wag nating hayaang dalhin tayo sa kung saan ng mga negatibong nararamdaman natin sa ating sarili, bagkus magpasalamat ka’t buhay ka pa sa araw ng kapanganakan ni Hesus…At panigurado mayroon syang ibibigay para sayo na magiging dahilan ng pag ngiti mo…

Maligayang Pasko sa lahat!

Ang mga kwento sa taas ay tutuong pangyayari, di man detalyado pero sinikap ng may akdang pagtagpi-tagpiin ang mga kwento ng malalapit na kaibigan at kamag anak ng mga karakter sa kwento.

ADVERTISEMENTS

Comments

  1. Misalyn says

    Nakakalungkot man ang mga istorya na nabasa ko sa umpisa , pero may dalang magandang mensahe ang post mong ito.

    Kahit hindi Pasko, dapat nating ipagpasalamat ang mga blessings sa atin. Ang araw araw na lumilipas na buhay tayo at hawak ang hiram na buhay at lakas.

    Happy holidays.

  2. I am Xprosaic says

    Yup! yun yun eh… despite sa mga problems na nararanasan natin masasabi pa rin natin na maswerte tayo at maraming bagay ang nakakapagpapasaya sa atin sa araw araw na pamamalagi natin sa mundong ito… maligayang pasko!

  3. manik_reigun says

    nakakalungkot ang mga kwentong yan. =( at minsan di ko maisip na swerte ako kapag ikinukumpara ko ang sarili ko sa mga sinawing palad…parang naguguilty ako na ewan..
    pero gayunpaman, ke pasko man o hindi, lahat tayo ay magmahalan!
    (parang caroling?!)hehe

    maligayang pasko!

  4. isladenebz says

    Merry Christmas, Charlie. Sa iyo at sa iyong pamilya at sa lahat ng tauhan sa lubhang napakalungkot mong kwento.

    I hope 2010 will be better for all Pinoys abroad!

  5. KESO says

    aww. nakakalungkot nman. unang kwento p lng parang naluluha na ko,
    mgpasalamat tayo sa lahat ng biyayang natatamasa natin.

    merry christmas kuya cm,:)

  6. gege says

    haaaaaaay…
    lungkot.
    pero tama!
    isang ma-inam na post.
    may mga tao talagang di narerealize kung gaano sila kaswerte…

    tulad ko?

    haha!

    haaaaaaay….
    hindi natin pansin ang mga bagay na meron na tayo… mahilig kasi tayo maghangad ng MAS.

    haaaaaaaay…

    happy birthday Jesus!!!

    merry x-mas!
    Godbless.
    =)

  7. The Pope says

    Nawa'y ang pagpapala ng Banal na Sanggol ay magbigay ng bagong pag-asa sa puso ng ating mga kababayan na nakararanas ng kawalan ng pag-asa sa buhay, ng karamdaman at kahirapan at kanila nawa mahantungan ang kapayapaan at pagmamahalan.

    Maligayang Pasko sa iyo Lord CM at nawa'y pagpalain ka sa patuloy mong paghahatid ng inspirasyon sa puso ng bawa't mambabasa ng iyong mga panulat.

  8. Carnation says

    malungkot nga ganyan ang buhay. pero maligaya tayo dahil binigyan tayo ng Panginoon ng pag-asa! maligayang pasko!

  9. Life Moto says

    that is the reality of life ng OFW. I hope and pray that we may find peace in our heart. malayo man tayo sa ating family.

    Merry Christmas Bro and have a nice day celebration!

  10. says

    ser lordcm. 🙁 parang pag ofw ka ramdam na ramdam mo post na to. kakalungkot. hayst. kinilabutan ako, kase may kasamahan din akong ofw dati sa malaysia. naulila nya din yung mahal nya sa buhay habang andun sya. tapos medyo bata pa sya. naheart attack habang naglalaro ng basketball. ayun. sa burol ng bangkay nya sa malaysia, nakilala namin pamilya nya. 🙁 kalungkot.

    kaya dapat magpasalamat sa lahat-lahat anu pa man.

    adbans Merry Christmas Ser!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *