Terminated…

Isa na naman kaibigan ang nabigyan ng sulat…Sulat na ayaw mabasa ng kahit sino pa man…sulat na kailanman hindi naging magandang balita para sa makakabasa… 

Dumating sya dito na may ngiti sa labi, puno ng pag asang matutupad ang lahat ng pangarap, pangarap na hindi para sa kanya, kundi para sa mga naiwan sa inang bayan. Bukod sa isang bagaheng mga damit, dala nya rin ang yakap at halik na ipinabaon ng kanyang mga mahal sa buhay, mga yakap na magsisilbing inspirasyon upang magpursige, at mga halik na magpapaalalang balang araw uuwi syang may ngiti pa rin sa labi.

Madalas makakwentuhan ko si Efren, kundi man sa inuman kadalasan kapag wala lang magawa, tamang palipas lang ng oras hanggang sa antukin…Ang dami nyang kwento, lahat masasaya at madalas pamilya nya ang pinag uusapan…Di na yata sya naubusan ng masasayang kwento tungkol sa mga mahal nya sa buhay, minsan pa habang nagkukwentuhan bigla na lang may matatanggap syang tawag mula sa Pinas, makikita ko na naman ang ngiting wala na yatang kapantay dahil dumating na naman ang oras na mapapawi na naman ang kanyang pananabik na makausap ang mga mahal nya sa buhay.

Dalawang taon din mahigit ang lumipas na ganun ang sitwasyon, kundi man sya ang tawagan eh sya mismo ang tatawag upang makibalita at makausap muli ang mga taong nagsisilbing inspirasyon upang magpatuloy sa laban na kahit sinong OFW ay pinagdaraanan.

Eto lang mga huling buwan kapansin pansin ang pagbabago kay Efren, hindi ko man alam ang buong detalye pero alam ko may problema, problemang hindi ginusto ng karamihan…Mas dumalas ang pagkukwentuhan namin pero hindi dahil sa nagpapalipas ng oras o nagpapaantok, kundi dahil ayaw nyang matulog ng nag iisip, ayaw nyang nag iisa…Kadalasan ginagawa nya nang pampatulog ang alak, iinom habang nagkukwentuhan ngunit hindi tungkol sa pamilya…

Ngayon sa bawat pagtunog ng kanyang telepono, hindi na ngiti ang nakikita ko sa kanyang mga labi, kundi isang basong alak na pilit inuubos upang hindi maramdaman ang sakit na dala ng tunog ng telepono. Dati rati kapag ibinaba nya na ang telepono para syang lumulutang sa hangin dahil sa sobrang saya pero ngayon, isang lata ng Red Horse ang lumulutang sa ere papunta sa kadiliman ng gabi.

Hindi ko lang lubos maisip na ang mga taong nagbigay lakas loob upang labanan ang hirap ng pagiging isang OFW ay eto at nagpapahina ng loob ng isang dating matapang at puno ng siglang si Efren. Ang dahilan ng pagsusumikap, pagtityaga para maisakatuparan ang mga pangarap ng kanyang mga mahal sa buhay ay ngayon isa na sa dahilan upang sukuan ang labang minsan nya nang sinimulan.

Hindi ko man alam ang dahilan ng mga pagbabagong ito, batid kong nagpipilit pa rin si Efren na lagpasan ang problemang kahit sa panaginip ay hindi nya inisip na mangyayari…Pilit nyang ipinaglalaban ang lahat upang ipagpatuloy na matupad ang pangarap ng mga mahal nya sa buhay, pilit nyang itinatago ang sakit na nararamdaman at umaasang mababalik sa dati ang lahat…

Ngunit paano pa maibabalik sa dati ang lahat? Eto’t dumating ang sulat nang di inaaasahan, sulat na hahadlang upang maisakatuparan ang mga pangarap…Terminated si Efren, at gaya ng mga naunang na-terminate isa lang ang dahilan, Krisis pang Ekonomiya…

Ilang araw na lang at uuwi na si Efren sa Pinas, hindi ko alam kung dala nya pa rin ang ngiting minsang nagbigay pag asa sa akin na may patutunguhan ang paghihirap ng bawat OFW. Hindi ko alam kung may mga yakap at halik na sasalubong sa kanya sa Pinas na minsan nya nang binaon upang gawing inspirasyon sa labang mag isa nya lang haharapin.

Ngunit ganunpaman, Bilib pa rin ako sa tapang nya sa pagharap sa hamon ng buhay, sa patuloy na paglaban para lamang sa mga mahal sa buhay…

May kalabuan man na mangyari, pero hangad ko ang kaayusan sa buhay mo pre..Malalagpasan mo rin yan, Efren…

ADVERTISEMENTS

Comments

  1. The Pope says

    Tiyak na isang mabigat na suliraning personal ang bumabagabag sa kanyang kaisipan, at nakalulungkot isipin na naka-epekto pa ito sa kanyang pagkatao at sa kanyang trabaho na maaaring naging sanhi ng kanyang "termination".

    Idinadalangin ko na sa kanyang pag-uwi nawa'y matagpuan nya ang kapayapaan ng kalooban at kaisipan sa piling ng kanyang dadatnang pamilya.

    Happy weekend CM, alam kong ma-mi-miss mo si Efren, pero kaya mo yan.

  2. Life Moto says

    Hindi tayo bibigyan ng problema ni Bro ng problema na hindi natin kayang lutasin. Ngunit kung di natin kaya ay bibigyan nya tayo ng kalasan.

    Naniniwala ako na may plano sa kanya si Bro. Basta magtiwala lang sya kay Bro.

    Tulad ng storya ni Job. Pinahintulutan ni Bro na mahirap sya para masubukan ang katapatan nya. Dalangain at pananalig sa Kanya ay kailangan.

  3. BlogusVox says

    Marami na akong nasaksihan na katulad sa kapalaran ni Efren. Matiyaga at matapang sa pakikipag laban sa buhay ang OFW. Alam kong malalagpasan nya rin ito.

  4. A-Z-E-L says

    makakayanan ni Efren yan…
    basta mayroong suporta galing sa pinagkukunan nya ng lakas.

    sana lang pare-pareho nilang harapin ang hamon na yan. pagtulung-tulungan ng buong pamilya upang muling makabangon at magkaron ng panibagong pag-asa… sana…

  5. RJ says

    Ang lungkot naman…

    Sigurado ako: Sa kanyang pagbabalik, mas mahigpit na yakap, at mas matamis na mga halik ang sasalubong sa kanya… At sana ang mga yakap at halik na 'yon ay hindi lamang manggagaling sa kanyang pamilya kundi pati rin ang galing sa pamahalaan.

  6. Francesca says

    kung ang terminasyun ay due to global crisis, me chance pa siya for another work contract in the future dahil sa experience niya
    I suggest,he look at the bright side, na there is somthing better that will come along his path.

    with God, nothing is impossible, efren should ask help through prayer.
    The red horse beer can help ease the pain, but it is not the solution, only prayers can, i feel.

    he cannot rely on us, we are limited, but he trust the MOST HIGH;

  7. poging (ilo)CANO says

    sana hindi ito ang magiging dahilan ni efren upang hindi na niya ipagpatuloy ang kanyang nasimulan na pangarap….pangarap para sa kinabukasan ng kanyang pamilya…

    lahat ng dumarating na pagsubok sa ating buhay ay may dahilan…

  8. isladenebz says

    Nuong bago pa lamang ako sa Saudi, for one year, limang Surplus Letters yata ang natanggap. Na-rescind naman ung apat pero hindi na ung ika-lima. Nauunawaan ko ang naging takot ni Mang Efren.

    Pero magsara man ang pinto kay Mang Efren, naniniwala akong may mga opportunities pa rin na naghihintay sa kanya.

    And why wallow in alak? Mamaya jan may dumating na opportunities tapos lumagpas din because of his health.

    Dapat alagaan ni Mang Efren ang kanyang sarili para sa susunod na pakikibaka nya sa ibang bansa bilang OFW.

  9. Kablogie says

    Inakupoo! Dagdag problema na naman ni inang bayan iyan sulat na iyan..Dadami na naman ang mga walang trabaho pinas…tsk tsk tsk! Dapat sisihin dito ang mga tiwaling politiko! Grrrrr!!!!

  10. SEAQUEST says

    Ayokong manisi, lalaong ayokong sabihing kasalanan ng ibang tao o kahit na sino pa mang pulitiko kasi lalao lang sasama ang loob ko at sasakit ang ulo, siguro mas madaling tanggapin kung isispin na lang niang maybe God have a plan for him at di iyon ang magpatuloy pa cia sa lugar na yan, maaaring mas maganda ang buhay na nagaanatay sa kanya dito kapailing ng mga mahal nia sa buhay sinong makapagsasabi di ba? Basta para kay kuyaEfren lagi sana niang tandaan si nauubos ang pagasa basta may pananalig ka…

  11. Rej says

    Parang napanood ko na to ah. I remember the time when my father was trying to go back to his work as an OFW. No one is getting him due to his age. Over age na. May mga pagkakataong hindi maikakaila ang frustration. He loves his job so much and he still wants to give it a try for the sake of our youngest na rin. But God is good. After several months God finally answered his/our prayer… For as long as Efren doesn't give up on his dreams. There is always hope that he can make it; that he will succeed.

  12. Mike Avenue says

    Nasa pagtanggap sa sitwasyon ang susi sa kaligayahan. Kumplikado man ang sitwasyon kung tanggap ng isang tao, maaaring maging daan ito para sa pagbubukas ng iba pang pinto ng buhay. HUwag sumuko, Efren. Ang mahalaga, buhay ka't humihinga at may pagkakataon pa para matupad mo ang iyong mga pangarap at mabigyan ng maginhawang buhay ang mga minamahal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *